Mark 11:1-11

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem

(Mat. 21:1-11; Luc. 19:28-40; Juan 12:12-19)

1Nang malapit na sina Jesus sa Jerusalem, tumigil sila sa Bundok ng mga Olibo malapit sa mga nayon ng Betfage at Betania.
tumigil … Betania: o, tumigil sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa Bundok ng mga Olibo.
Pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod.
2Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon, makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali, na hindi pa nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 3Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon at ibabalik din agad.” 4Kaya lumakad ang dalawa, at nakita nga nila ang asno sa tabi ng daan, na nakatali sa pintuan ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang asno, 5tinanong sila ng mga taong nakatayo roon, “Hoy! Ano ang ginagawa ninyo riyan? Bakit ninyo kinakalagan ang asno?” 6Sinabi nila ang ipinapasabi ni Jesus, kaya pinabayaan na sila ng mga tao. 7Dinala nila ang asno kay Jesus. Sinapinan nila ng kanilang mga balabal ang likod ng asno at sinakyan ito ni Jesus. 8Maraming tao ang naglatag ng mga balabal nila sa daan, at ang iba naman ay naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid. 9Ang mga nauuna kay Jesus at ang mga sumusunod sa kanya ay sumisigaw, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Salmo 118:26.
10Pagpalain nawa ng Dios ang dumarating na kaharian ng ninuno nating si David. Purihin natin ang Dios!”

11Pagdating ni Jesus sa Jerusalem, pumunta siya sa templo. Pinagmasdan niyang mabuti ang lahat ng bagay doon. At dahil sa gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang kanyang 12 apostol.

Copyright information for TglASD